Via 6-player, 3-team trade
MANILA, Philippines — Pitong araw bago ang pagbubukas ng 2022 PBA Commissioner’s Cup ay tatlong koponan ang nagpalakas ng kani-kanilang lineup.
Pumasok ang TNT Tropang Giga, NLEX at Blackwater sa isang six player, three-team trade na kinasasangkutan nina forward Calvin Oftana, big man Troy Rosario at No. 1 overall pick Brandon Ganuelas-Rosser.
Ibibigay ng Road Warriors sina Oftana at forward Raul Soyud sa Bossing kapalit nina Rosser at unrestricted free agent Paul Desiderio.
Dadalhin naman ng Blackwater sina Oftana at Soyud sa kampo ng TNT para makuha sina Rosario at big guard Gab Banal.
Isa si Oftana sa mga naging key players ng NLEX sa nakaraang 2022 PBA Philippine Cup matapos magposte ng mga averages na 17.0 points, 7.8 rebounds, and 2.8 assists per game.
Naging miyembro rin ang 2020 PBA Draft No. 3 overall pick ng Gilas Pilipinas na sumabak sa fourth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers.
Makakasama ni Oftana sa backcourt ratotation ng Tropang Giga sina star guard Mikey Williams, veteran Jayson Castro at scorer Roger Pogoy.
Samantala, haharapin ni Rain or Shine coach Yeng Guiao ang dati niyang koponang NLEX at gagawin ni Aldin Ayo ang kanyang coaching debut para sa Converge sa 2022 PBA Commissioner’s Cup.
Sasagupain ng Elasto Painters at ni 6-foot-9 Steve Taylor ang Road Warriors at si 2009 NBA Draft No. 14 overall pick Earl Clark sa alas-5:45 ng hapon sa Setyembre 23 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa alas-3 naman ng hapon papagitna si Ayo at ang kanyang FiberXers sa pagharap sa Terrafirma Dyip.
Opisyal na magsisimula ang import-flavored conference sa Setyembre 21 sa MOA Arena sa Pasay City.
Makakatapat ng Blackwater ang guest team na Bay Area Dragons sa alas-3 ng hapon kasunod ang upakan ng NorthPort at Phoenix sa alas-5:45.