MANILA, Philippines — Nagpasiklab si Swim League Philippines standout Micaela Jasmine Mojdeh matapos pumangatlo sa women’s 400m individual medley ng 8th FINA World Junior Swimming Championships na ginanap sa Lima, Peru.
Nagrehistro ang Brent International School standout ng limang minuto at 20.66 segundo para makuha ang ikatlong puwesto sa Heat 1.
Nanguna si Maria Leon ng Ecuador na may naitalang 5:17.20 habang pumangalawa naman si Ariana Valle ng Estonia na nagsumite ng 5:17.90.
Muling magtatangka ang Philippine national junior record holder na si Mojdeh sa apat pang events — ang 200m individual medely, 200m butterfly, 100m butterfly at 400m freestyle.
Kulelat naman si Philippine Swimming Incorporated (PSI) recruit Gian Santos sa men’s 400m freestyle.
Naglista si Santos ng 4:11.07 para magkasya sa ikawalong puwesto sa Heat 4.
Malayo ito sa 3:57.99 na nakuha ni heat topnotcher Aneesh Sunil Kumar Gowda ng India at pumangalawang si Kim Jun Woo ng South Korea na nagtala ng 3:58.36.
Sasabak pa sina Filipino-British Heather White at Ruben White, at Amina Isabelle Bungubung na kasama ni Mojdeh sa mga produkto ng Swim League Philippines (SLP) at Behrouz Elite Swimming Team (BEST).