MANILA, Philippines — Bigo ang Creamline Cool Smashers sa unang pagsalang nito matapos lumasap ng 19-25, 17-25, 29-31 desisyon laban sa SEA Games silver medalist Vietnam sa pagsisimula ng 2022 AVC Cup for Women kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ramdan na ramdam ang pagkawala nina team captain Alyssa Valdez at top setter Jia Morado gayundin ni head coach Sherwin Meneses.
Lumaban ng husto ang Cool Smashers partikular na sa huling sandali ng third set subalit kapos pa rin ito para mahulog ang kanilang tropa sa 0-1 marka.
Umangat naman ang Vietnam sa 1-0 kartada.
May tsansa ang Pinay Spikers na makapagpahinga dahil wala itong laro sa araw na ito.
Masisilayan sa aksyon ang Pilipinas bukas laban sa China sa alas-7 ng gabi kung saan inaasahang pupukpok ng husto ang mga Pinay Spikers upang mabigyan ng magandang laban ang Chinese squad.
Samantala, matikas na sinimulan ng reigning champion China at powerhouse Japan ang kampanya nito matapos ilampaso ang kani-kanyang karibal.
Walang sinayang na sandali ang Chinese squad nang ilatag nito ang matatalim na atake at solidong net defense para mabilis na pataubin ang South Korea sa pamamagitan ng 25-9, 25-8, 25-9 paggiba.
Nasa tuktok ng Pool A ang China tangan ang 1-0 rekord habang bagsak sa 0-1 ang South Korea.
Sa kabilang banda, winalis ng Japan ang Southeast Asian Games champion Thailand sa bendisyon ng 25-18, 25-19, 25-22 desisyon para makuha ang liderato sa Pool B.
Umangat ang Japan sa 1-0 marka samantalang lumasap naman ng unang kabiguan ang Thailand.