Biado sasargo sa semis vs Filler

MANILA, Philippines — Pinalakas ni world pool champion Carlo Biado ang tsansa sa gold medal matapos kunin ang 11-7 panalo kay Albin Ouschan ng Austria papasok sa semifinals ng men’s 9-ball singles ng 2022 World Games sa Birmingham, Alabama, USA.

Asam ng 38-anyos na si Biado ang kanyang ikalawang gintong medalya sa World Games matapos magkampeon noong 2017 edition na idinaos sa  Wroclaw, Poland.

Lalabanan ng reigning US Open champion at Southeast Asian Games gold medalist sa semis si Joshua Filler ng Germany na dumaig kay World No.1 Shane Van Boening, 11-3, sa quarterfinals.

Bumangon si Biado mula sa 4-6 pagkakabaon sa kanilang quarterfinalsduel ni Ouschan para makatabla sa 7-7 bago walisin ang sumunod na apat na mesa patungo sa kanyang panalo.

Bigo naman si world champion Rubilen Amit na makapasok sa semis ng makatikim  ng 8-9 pagkatalo kay Veronika Ivanovskaja ng Germany sa women’s 9-ball.

Sa jiu-jitsu, pumuwesto sa ikaapat si Vietnam SEA Games gold medal winner Annie Ramirez nang makalasap ng submission loss kay Laurence Fouillat ng France sa women’s 57kg.

Minalas din sa quarterfinals ng muay thai sina reigning world champion Philip Delarmino at Leeanna Christylle Bade.  

Show comments