MANILA, Philippines — Sa huling pagkakataon ay nakiisa si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez sa flag raising ceremony kahapon sa PSC Office sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito, Cruz, Manila.
Nakasama ni Ramirez sina PSC Commissioners Ramon Fernandez, Celia Kiram, Charles Maxey at Arnold Agustin at ang mga PSC employees.
Handa na sina Ramirez, Fernandez, Kiram, Maxey at Agustin sa paglisan sa kani-kanilang mga opisina para sa mga bagong itatalagang PSC Board ni President-elect Bongbong Marcos, Jr.
Sinabi ni Ramirez na uuwi na siya sa kanyang tahanan sa Davao City para makapiling ang pamilya niya.
Payag rin ang 72-anyos na dating varsity coach at athletics director ng Ateneo de Davao na maging adviser para sa bagong papasok na PSC chairman.
Ang pagbibigay ng solidong suporta at pagtingin sa mga atleta ang ilan sa mga bagay na dapat isipin ng papalit sa kanya sa sports agency.
“You cannot expect our athletes to perform in the international stage if we don’t take care of them. Mahalin mo sila at mamahalin ka rin nila,” wika ni Ramirez.
“Parang sa eskwelahan, kung mayroong magagaling at mapangalaga na teachers or coaches, nagpo-produce sila ng magagaling na estudyante or in our case, athletes,” dagdag nito.
Si Ramirez lamang ang tanging chairman na dalawang beses nailuklok sa PSC top post.
Una ay sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2005 hanggang 2009 at ang pangalawa ay sa liderato ni Presidente Rodrigo Duterte simula noong 2016.
Sa kanyang pamamahala sa komisyon ay dalawang beses na hinirang na overall champion ang Pilipinas sa Southeast Asian Games.
Nangyari ito nang pangasiwaan ng bansa ang SEA Games noong 2005 at 2019.
Naamit rin ng Pinas ang kauna-unahang Olympic Games gold medal sa pamamagitan ni weightlifter Hidilyn Diaz noong nakaraang taon sa Tokyo, Japan.
Isa lamang si Samahang Weightlfiting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella sa mga bumati kay Ramirez.
“Good job. Thanks for all the support. Or else I wouldn’t be here for my Hall of Fame. Salamat and Godspeed,” ani Puentevella.