Ika-2 ginto sa SEA Games sinargo ni amit

Pokus si Rubillen Amit sa kanyang tira habang nanonood ang kababayang si Chezka Centeno sa 31st SEA Game.
Jun Mendoza

Sarno bumuhat ng bagong record

MANILA, Philippines — Sinargo ni two-time World 10-ball champion Rubilen Amit ang kanyang ikalawang gold medal para pamunuan ang ratsada ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games kahapon sa Hanoi, Vietnam.

Nag-ambag din ng ginto sina billiards ace Carlo B­iado, weightlifter Vanessa Sarno at Fil-Am netters Treat Huey at Ruben Gonzales para sa 47 gold, 65 silver at 88 bronze medals ng Pinas at umakyat sa No. 4 sa medal standings.

Tinalo ng 40-anyos na si Amit ang kababayang si Chezka Centeno, 7-5, para hablutin ang women’s 10-ball gold at binalikan ni Biado si Johann Chua, 9-0, sa men’s 10-ball finals.

Ito ang ika-10 ginto ni Amit sa SEA Games tampok ang panalo sa 10-ball singles at 10-ball doubles noong 2019 Manila edition.

“Walang pressure na mapunta sa ibang bansa ang gold,” sabi ni Amit.

Pinitas naman ng 18-anyos na si Sarno ang ginto nang magtala ng bagong SEA Games record na 239kg total lift mula sa 104kg sa snatch at 135kg sa clean and jerk sa women’s 71kg.

Nauna nang naidepensa ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ang korona niya sa women’s 55kg.

Samantala, pinaluhod nina Huey at Gonzales ang mga kababayang sina Jeson Patrombon at Francis Casey Alcantara, 6-1, 6-4, sa men’s doubles finals.

Inaasahang raratsada ang Pinas sa likod nina boxers Eumir Felix Marcial, Rogen Ladon, Ian Clark Bautista at Irish Magno na umusad sa finals.

Puntirya rin ng Philippines-Sibol ang ikatlong gold sa esports nang umabante sa finals ng League of Legends.

Bumuhat ng silver sina Tokyo Olympian weightlifter Erleen Ando (women’s 64kg), judoka Daryl John Mercado (men’s -55kg), WGM Janelle Mae Frayna at WFM Shania Mae Mendoza (women’s team blitz).

May bronze ang wo­men’s football team, sina IM Jan Emmanuel Garcia at IM Daniel Quizon (men’s team blitz), judokas Ma. Jeanalane Lopez (wo­men’s -45kg) at Leah Jhane Lopez (women’s -48kg) at muay fighters April Joy La Madrid (women’s combat 60kg) at Rudzma Abubakar (women’s combat 48kg).

Show comments