MANILA, Philippines — Desidido si Jimuel Pacquiao na sundan ang yapak ng kanyang amang si eight-division world champion Manny Pacquiao.
Nakatakdang muling sumalang sa ibabaw ng ring si Jimuel sa Mayo 12 sa Montebello Country Club sa California.
Subalit wala pang opisyal na pangalan kung sino ang makakaharap ni Jimuel sa kanyang laban.
Kasalukuyang nasa matinding paghahanda si Jimuel sa Wild Card Gym sa Hollywood, California kasama si Hall of Famer Freddie Roach.
Nais ni Roach na hasain si Jimuel upang maging isang mabagsik na boksingero gaya ng ginawa nito kay Manny.
Kaya naman tutok na tutok si Jimuel sa tuwing sumasalang ito sa matinding ensayo kasama si Roach.
Ilang video na ang lumutang kung saan kita na ang talim sa mga suntok ni Jimuel na inaasahang magiging armas nito sa kanyang susunod na laban.
Sariwa pa si Jimuel sa matamis na panalo laban kay Mexican-American Andres Rosales noong Marso sa labang ginanap sa House of Boxing Gym sa San Diego, California.
Umaasa ito na masusundan ito ng batang Pacquiao.