Sultan kasado na vs Butler

Jonas Sultan knocks down Carlos Caraballo during their bantamweight fight at The Hulu Theater at Madison Square Garden on October 30, 2021 in New York City.
AL BELLO / GETTY IMAGES NORTH AMERICA / GETTY IMAGES VIA AFP

MANILA, Philippines — Nabigyan ng pagkakataon si Jonas Sultan na muling tumuntong sa ibabaw ng ring matapos punan ang puwesto ni WBO bantamweight champion John Riel Casimero.

Kaya naman ibubuhos ni Sultan ang lahat upang maiwagayway ang bandila ng Pilipinas pagsagupa nito kay Paul Butler ngayong araw sa Liverpool, England para sa interim WBO bantamweight title.

Pasok sa timbang si Sultan na may 117.6 pounds habang may bigat naman na 117.8 pounds si Butler.

Hindi na problema ang kundisyon ni Sultan dahil ilang buwan na itong nagsasanay sa Las Vegas, Nevada kasama si strength and conditioning guru Memo Heredia.

Wala ring problema ang accilmatization dahil mas nauna pang dumating si Sultan sa Liverpool noong nakaraang linggo bago pa man dumating si Casimero.

Kaya’t kasado na ang body clock ni Sultan.

Hindi pinayagang ma­kalaban si Casimero matapos matuklasan ng British Boxing Board of Control (BBBC) na lumabag ito sa patakaran.

Ipinagbabawal ng BBBC ang paggamit ng sauna para magbawas ng timbang ang isang boksi­ngerong nakatakda lumaban — bagay na nagawa ni Casimero.

Kaya naman agad na ipinalit si Sultan para makaharap ni Butler.

Kung mahuhubaran ng WBO belt si Casimero, ang mananalo sa bakbakan nina Sultan at Butler ang inaasahang magiging WBO bantamweight king.

Show comments