Kiefer pinagmulta, sinuspinde sa B.League

Kiefer Ravena with the Shiga Lakestars.
Twitter / SHIGA LAKESTARS

MANILA, Philippines — Pinarusahan si Shiga Lakestars guard Kiefer Ravena ng pamunuan ng Japan B.League matapos ang ilang beses na unsportsmanlike fouls sa huling laro ng kanilang tropa sa liga.

Pinatawan ang Pinoy cager ng multa at suspensiyon dahil sa dalawang unsportsmanlike fouls na nagawa nito sa laro ng Shiga kontra sa Kyoto noong Linggo kung saan natalo ang kanilang tropa sa iskor na 57-79.

Unang tinawagan ng unsportsmanlike foul ang dating Ateneo de Manila University standout sa first quarter may 4:51 minuto pang nalalabi sa naturang yugto.

Muling nabigyan ng unsportsmanlike foul si Ravena sa fourth quarter kung saan may 4:55 pang natitira sa oras dahilan para mapatalsik ito sa laro.

Kaya naman binigyan si Ravena ng isang larong suspensiyon kung saan hindi ito masisilayan sa Shiga kontra sa Osaka.

Pinagmulta rin si Ra­vena ng ¥50,000 o katumbas ng halos P25,000.

Isa si Ravena sa inaasahan ng Lakestars matapos magtala ng averages na 12.8 points, 5.9 assists at 2.1 rebounds kada laro kaya’t malaking kawalan ito sa tropa.

Nais pa naman ng Shiga na mapaganda ang kanilang 10-27 rekord sa liga para mapaangat ang kanilang kasalukuyang ika-10 puwesto sa standings.

Inaasahang babawi si Ravena sa oras na ma­ka­balik ito sa paglalaro.

Show comments