MANILA, Philippines — Magbabalik si big man Marion Magat sa NLEX matapos aprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang trade sa Blackwater.
Bukod sa 6-foot-7 na si Magat ay nakuha rin ng Road Warriors ang 2023 (49th Season) second round pick ng Bossing kapalit nina scoring Mike Ayonayon at defensive player Will McAloney.
“We were constantly looking for a big man and Marion has the size, plus the fact that he played for us before, it won’t be much a problem when it comes to adjustment,” ani NLEX coach Yeng Guiao.
Dati nang naglaro si Magat para kay Guiao noong 2019 bago siya ibinigay sa TNT Tropang Giga sa isang three-way trade kung saan nasambot ng Road Warriors si guard Jericho Cruz.
Nagtala si Magat ng mga averages na 5.5 points, 4.8 rebounds at 1.0 block per game para sa Blackwater sa nakaraang 2021 PBA Philippine Cup na pinagharian ng TNT.
Si Ayonayon naman ang No. 3 overall ng NLEX noong 2019 PBA Rookie Draft at itinambal ni Guiao kay Kiefer Ravena, kasalukuyang naglalaro para sa Shiga Lakestars sa Japan B. League.
“We also felt that with Blackwater, Mike and Will will have a chance to showcase their potential,” sabi pa ni Guiao kina Ayonayon at McAloney.
“Medyo nahihirapan silang maka-break in sa amin terms of playing time dahil sa mga kapuwestuhan nila.”
Sina Ayonayon at McAloney ang pinakabagong nahugot ng Blackwater bilang paghahanda sa darating na 2021 PBA Governors’ Cup na planong simulan sa Nobyembre 28 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.