MANILA, Philippines — Isinusulong ng Powerlifting Association of the Philippines (PAP) na maging regular member ng Philippine Olympic Committee (POC) at maisama ang kanilang event sa Southeast Asian Games.
Kasalukuyang associate member ang PAP sa POC at wala silang natatanggap na pondo pati na allowance ng kanilang mga atleta mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Plano ni powerlifting president Eddie Torres na maitakda ang 1st SEA Championships sa susunod na taon para mapalakas ang tsansang makahakot ng mga miyembro.
Kung mangyayari ito ay maaaring ikunsidera ang powerlifting sa calendar of events ng SEA Games.
“Iyong other SEA countries nag-uusap-usap naman kami to help increase the chances para makapag-participate sa SEA Games,” wika ni Torres kahapon sa lingguhang TOPS Usapang Sports on Air. “We actually planned to have a SEA Powerlifting Championships last year, kaya lang minalas tayo sa pandemic.”
Umaasa si Torres na maisasagawa nila ang nasabing torneo sa susunod na taon kung saan inaasahang huhupa na ang mga kaso ng COVID-19
Bukod sa Pilipinas, sasalang din sa torneo ang Indonesia, Singapore, Thailand, Malaysia, Vietnam at Brunei Darussalam.