MANILA, Philippines — Para kay Hall of Famer Freddie Roach, walang makapapantay sa tikas ng kamao ni eight-division world champion Manny Pacquiao.
Isang tunay na legendary boxer si Pacquiao na nag-iisa lamang at walang katulad.
Binigyang-pugay ni Roach ang mahigit dalawang dekadang boxing career ni Pacquiao matapos pormal na ianunsiyo ng Pinoy boxer ang pagreretiro nito sa boxing.
Nagpasalamat si Roach dahil nabigyan ito ng pagkakataon na hubugin ang isang tulad ni Pacquiao.
“Legendary,” pambungad ni Roach sa kanyang post sa social media kasama ang ilang larawan ng training camps nito sa pamosong Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Sinabi pa ni Roach na si Pacquiao ang magandang halimbawa ng tunay na legend sa boxing.
Nasa ‘yo na ang lahat, ika nga.
“Manny, you are everything that defines a legend in this sport. Thank you for the opportunity to be a part of your historic and legendary career,” ani Roach.
Maraming pinagsamahan sina Roach at Pacquiao.
Ngunit hindi naman perpekto ang naging pagsasama ng dalawa dahil may iilang pagkakataon ding may hindi pagkakaunawaan ang dalawa.
Dumating sa pagkakataon na nawala sa coaching staff si Roach partikular na sa laban nito kay Lucas Matthysse noong 2018 kung saan naitala ni Pacquiao ang seventh round knockout win sa labang ginanap sa Malaysia.
Aminado si Roach na dinamdam niya ito.
Subalit agad naman itong nareresolba at nakabalik sa Team Pacquiao nang sumunod na taon.
Pamilyang maituturing ang buong Team Pacquiao.
Kaya naman saludo si Roach sa Pinoy pug.
“You are the greatest!” pagtatapos ni Roach.