Roach, Arum suportado si Pacquiao

Freddie Roach at Top Rank Promotions chief Bob Arum
STAR/ File

MANILA, Philippines — Suportado nina Hall of Famer Freddie Roach at Top Rank Promotions chief Bob Arum ang desisyon ni People’s Champion Manny Pacquiao na tumakbo sa Presidential Election sa susunod na taon.

Masaya si Roach sa naging desisyon ni Pacquiao dahil alam nito ang puso ng Pinoy champion na mahilig tumulong sa mga nangangailangan.

Matagal-tagal na ring magkasama sina Roach at Pacquiao kaya’t hindi maitago ng American trainer ang saya dahil matutupad na ang pangarap nitong pamunuan ang Pilipinas sakaling manalo sa eleksiyon.

“Very proud and excited to hear of Manny’s run for President in the Philippines for 2022. All the best to you, Manny. Truly the Fighting Pride of the Philippines and the People’s Champ,” ani Roach.

Noong 2001 unang nagkrus ang landas nina Roach at Pacquiao sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.

Noon pa man, nakita na ni Roach ang mababang kalooban ni Pacquiao dahilan para magtagumpay ito sa larangan ng boksing.

Umaasa si Roach na madadala ito ni Pacquiao sa kanyang political career.

Ganito rin ang mga sinabi ni Arum na minsan nang naging promoter ni Pacquiao.

Naniniwala si Arum na magiging mabuting pa­ngulo ng bansa si Pacquiao kung papalarin itong manalo sa eleksiyon.

“All of us at Top Rank support Manny. He is a man of integrity. He will be a great President for all the people of the Philippines,” ani Arum.

Show comments