Mangliwan na-disqualify sa Finals
MANILA, Philippines — Na-disqualify si Pinoy wheelchair racer Jerrold Mangliwan sa finals ng men’s 400-meter T-52 classification sa athletics competition ng Tokyo Paralympic Games sa Olympic Stadium kahapon.
Tumipa ang 41-anyos na si Mangliwan ng personal best na 1:00.80, ngunit ibinasura ito ng mga technical officials dahil sa lane infringement per Rule WPA 18.5a kasama si American Isaiah Rigo.
Nagposte si Japanese world record-holder Tomoki Sato ng bagong Paralympic mark na 55.39 segundo para kunin ang gold medal kasunod sina American Raymond Martin (55.59) at Hirokazu UeyonaBaru (59.95) ng host country.
Nauna nang naglista si Mangliwan, ang 2015 Singapore ASEAN Para Games double gold medalist, ng tiyempong 1:3.41 para pumang-apat sa kanyang heat.
Sapat na ito para makapasok ang tubong Tabuk, Kalinga sa finals kasama ang pito pang qualifiers.
Sa swimming, minalas si Ernie Gawilan na umabante sa finals ng SM7 men’s 200-meter individual medley nang tumapos sa ninth overall sa heats sa kanyang personal best time na 2:50.49 sa Tokyo Aquatic Centre.
Ang nasabing oras ni Gawilan ay mas mabilis kumpara sa kanyang inilistang 2:52:00 sa pagkopo sa gold medal sa parehong event noong 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.
- Latest