Lady Realtors pass din sa AVC tournament
MANILA, Philippines — Nagpasya rin ang Sta. Lucia Realtors na tanggihan ang imbitasyong sumabak sa 2021 Asian Women’s Club Championship na lalaruin sa Oktubre 1 hanggang 7 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Isa-isang tumanggi ang reigning Premier Volleyball League (PVL) Open Conference champion Chery Tiggo, runner-up Creamline, third placer PetroGazz at fourth placer Choco Mucho.
Kaya naman ipinasa ang imbitasyon sa fifth placer Sta. Lucia subalit sumali ito sa mga nag-decline para magpartisipa sa torneo.
Pangunahing idinahilan ng Lady Realtors management ang kaligtasan ng mga players, coaches at officials nito lalo pa’t tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
“After a thorough evaluation of the invitation and considering various factors, we have determined that present local and health requirements and regional conditions are not conducive to a safe and healthy competition,” ayon sa statement ng Sta. Lucia Realtors.
Bukod pa rito, magiging bahagi sina Sta. Lucia Realtors standouts MJ Philips at Dell Palomata ng national pool.
Umaasa ang Sta. Lucia na mabibigyan ng pagkakataon na muling makalahok sa naturang torneo sa mga susunod na edisyon nito.
Matapos ang Sta. Lucia, sunod na iimbitahan ang Black Mamba-Army, PLDT, BaliPure, Perlas at Cignal.
May hanggang Setyembre 10 pa ang Pilipinas para magsumite ng lineup para sa asian meet.
- Latest