MANILA, Philippines — Humarurot ng husto ang Chery Tiggo sa huling sandali ng laro upang makuha ang 23-25, 20-25, 25-21, 25-23, 15-8 come-from-behind win laban sa Creamline at matamis na kubrahin ang kampeonato sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Walang iba kundi sina middle blocker Jaja Santiago at outside hitter Dindin Santiago-Manabat ang naasahan ng Crossovers upang dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Umariba si Dindin ng conference-high na 32 puntos mula sa 30 attacks, isang block at isang ace habang naglista si Jaja ng 26 puntos kabilang ang game-winning attack.
“Sobrang saya na andami n’yong pinagdaanang problema pero hindi kami sumuko sa isa’t isa dinala kami sa finals tapos ibinigay sa amin ni God ang championship,” ani Jaja.
Itinaghal na kauna-unahang kampeon sa PVL bilang isang professional volleyball league ang Chery Tiggo.
Winakasan ng Crossovers ang best-of-three championship series tangan ang 2-1 rekord.
Pinangunahan ni Jaja ang listahan ng individual awardees matapos kubrahin ang conference MVP, Finals MVP at Best Middle Blocker awards.
Nanguna ito sa spiking department tangan ang 122 kabuuang puntos mula sa impresibong 49.8 percent success rate habang nanguna din ito sa service line tangan ang 18 aces at ikatlo sa net defense hawak ang 23 blocks.
Binanderahan din ni Jaja ang All-Premier Team kasama sina Alyssa Valdez ng Creamline (Best Outside Spiker), Myla Pablo ng Petro Gazz (Best Outside Spiker), Ria Meneses ng Petro Gazz (Best Middle Blocker), Kat Tolentino ng Choco Mucho (Best Opposite Spiker), Jia Morado ng Creamline (Best Setter) at Kath Arado ng Petro Gazz (Best Libero).
Nanguna si Meneses sa blocking department (50 blocks) habang si Arado ang reyna sa floor defense na may 250 digs at 154 excellent receptions.
Si Pablo naman ang ika-10 scorer sa liga tangan ang average na 12.36 points per game habang nakalikom si Morado ng 317 excellent sets.