MANILA, Philippines — Lubos ang kasiyahan ng Basilan matapos pagharian ang Mindanao Leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup na ginanap sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Naisakatuparan ito ng Basilan matapos walisin ang Roxas sa best-of-three championship series.
Naitarak ng Peace Riders ang 89-70 demolisyon sa Vanguards sa Game 2 ng finals noong Lunes ng gabi upang makuha ang titulo ng Mindanao Leg.
Nakumpleto rin Basilan ang matamis na 10-game sweep sa tournament dahil winalis din nito ang lahat ng walong laro sa eliminasyon.
“Talagang napakasarap nitong championship na ito kasi nandito ka lang sa liga during a pandemic, you’re one of the fortunate na,” ani Basilan head coach Jerson Cabiltes.
Ngunit hindi pa tapos ang laban para sa Peace Riders.
Sasagupain ng Basilan ang Visayas Leg champion Mandaue sa best-of-five championship series ng Southern Finals na magsisimula ngayong araw.