Casimero pagreretiruhin si Rigondeaux

MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ni reigning World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero ang sinabi ni Cuban pug Guillermo Rigondeaux na mas mahusay na boxer si Nonito Donaire kesa sa kanya.

Kaya naman papatunayan ni Casimero ang bagsik nito sa oras na magkrus ang kanilang laban ni Rigondeaux sa Agosto 14 (Agosto 15 sa Maynila) sa Carson, California.

Handa si Casimero na ibuhos ang kanyang lahat ng alas para dalhin sa pagreretiro si Rigondeaux.

“Rigondeaux thinks that Donaire is a better fighter than me, so I’m going to change his opinion. When I beat Rigondeaux, he’s going to retire. He’s finished,” ani Casimero.

Ipinagmalaki ni Casimero na maganda ang takbo ng kanilang training camp ngayon kaya’t asahan ang 100 porsiyentong lakas nito sa fight night.

“I’m so ready for this fight. Training camp has gone so well and I’m just ready to rumble,” dagdag ni Casimero.

Gigil na makuha ni Casimero ang panalo dahil nais nitong maikasa ang unification bout kina Donaire —ang reigning World Boxing Council (WBC) bantamweight champion — at Naoya Inoue na kasalukuyang nagmamay-ari ng World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) bantamweight belts.

Muling bumanat si Casimero na posibleng natatakot lamang sa kanya sina Donaire at Inoue kaya’t hindi matuluy-tuloy ang laban nito.

Matatandaang si Inoue sana ang makakasagupa ni Casimero noong nakaraang taon subalit hindi ito natuloy dahil sa usapin sa visa at quarantine protocols sa Amerika.

Naudlot din ang laban sana nina Casimero at Donaire matapos kanselahin ni Nonito ang laban.

Show comments