PBA wala nang atrasan

Calvin Abueva
STAR/ File

Schedule inilabas na!

MANILA, Philippines — Wala nang makapi­pigil pa sa pagdaraos ng Phi­lippine Basketball Association (PBA) Season 46 Philippine Cup na pormal nang magsisimula bukas sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Inilabas na ng PBA ang schedule sa kumperensiyang ito tampok ang tatlong matitinding bakbakan sa opening day kabilang ang salpukan ng Meralco at NorthPort sa alas-6 ng gabi.

Masisilayan din ang duwelo ng Alaska at Blackwater sa alas-12:30 ng tanghali kasunod ang engkuwentro ng Rain or Shine at NLEX sa alas-3.

Magpapatuloy ang aksyon sa Hulyo 17 kung saan aarangkada ang banggaan ng Talk ’N Text Tropang Texters at Terrafirma Dyip sa alas-2 ng hapon at ng Magnolia at Phoenix sa alas-4:35 ng hapon.

Sisimulan ng Barangay Ginebra ang pagdepensa sa titulo sa Hulyo 18 sa pagharap nito kontra NLEX sa alas-4:35 ng hapon.

Ito rin ang simula ng kampanya ng dating Phi­lippine Cup champion San Miguel Beer na lalarga naman laban sa Meralco sa alas-2 ng hapon habang magtutuos ang Blackwater at Rain or Shine sa alas-7 ng gabi sa naturang petsa.

Nakatakda ang inaabangang Manila Clasico sa Hulyo 25 kung saan masisilayan ang engkuwentro ng Magnolia at Barangay Ginebra sa alas-4:35 ng hapon.

Ito ang unang Manila Clasico nina Calvin Abueva (Magnolia) at Christian Standhardinger (Barangay Ginebra) sa kani-kanyang bagong teams.

Na-trade si Abueva mula Phoenix patungong Magnolia kapalit ni Chris Banchero at dalawang draft picks.

Galing naman si Standhardinger sa Northport kung saan kinuha ito ng Barangay Ginebra kapalit naman ni Greg Slaughter.

Wala sa schedule ng PBA ang mga laro ng Gilas Pilipinas na nauna nang napaulat na planong ma-ging guest team sa kumperensiyang ito.

Show comments