MANILA, Philippines — Kasalukuyan ngayong nakatira si Olympic Games-bound weightlifter Elreen Ann Ando sa isang hotel sa Cebu City.
Ito, ayon sa 22-anyos na si Ando, para makaiwas siya sa coronavirus disease (COVID-19) bago sumalang sa Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan.
“Sa bahay namin kasi ang daming tao doon kaya pinili ng coach ko na mag-hotel na lang muna kami,” wika ng Cebuana national weightlifter.
Magtutungo ang tropa ni Ando sa Tokyo sa Hulyo 19 para magkaroon ng sapat na panahong makapaghanda sa weightlifting competition na magsisimula sa Hulyo 24 sa Tokyo International Forum.
Bubuksan ni Ando ang kanyang kampanya sa women’s -64 kilogram division sa Hulyo 27.
Si Ando ang ikalawang national weightlifter na lalahok sa Tokyo Olympics maliban kay 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Samantala, isinama ng Philippine Sports Commission (PSC) si Ando sa mga Class A athletes na tumatanggap ng monthly allowance na P43,000.
“Malaki talaga iyong changes kasi dati iyong allowance ko parang saktung-sakto lang pambayad ng kuryente, pambili ng vitamins,” ani Ando.