MANILA, Philippines — Sasabak si national weightlifter Elreen Ann Ando sa kauna-unahan niyang Olympic Games.
At kailangan ng 22-anyos na Cebuana ng sports psychologists para sa kanyang paghahanda sa nasabing quadrennial event na idaraos sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Ito ang ibibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanya bukod pa ang financial support na P268,597.00.
“Kilala naman natin si Elreen na palaban talaga,” wika ni PSC Chief of Staff at national training director Marc Velasco. “Tutulungan natin siya doon sa mental side competing in the Olympics, against the best in the world.”
Sa pamamagitan ng continental quota sa women’s 64-kilogram division ay nabigyan si Ando, ang 2019 Southeast Asian Games silver medalist, ng Olympic ticket.
Sinimulan na ni Ando ang pag-eensayo sa Cebu City kasama sina coaches Gary Hortelano, Chris Bureros at dating Olympian Ramon Solis.
Bumuhat si Ando ng dalawang silver at isang bronze medal sa nakaraang Olympic Qualifying Tournament sa Tashkent, Uzbekistan.