Saso umakyat sa No. 9 sa world rankings

MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, tumaas si Fil-Japanese Yuka Saso sa No. 9 mula sa No. 40 sa pinakabagong Rolex Rankings matapos ang makasaysayang pagkopo sa korona ng 76th US Women’s Open sa San Francisco.

Ang 19-anyos na si Saso ay mayroon ngayong 5.52 average points sa women’s world rankings.

Dahil dito ay inaasa­hang mabibigyan si Saso ng puwesto para sa 2021 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

“Marami pa pong tournaments,” sabi ng 5-foot-5 na si Saso, ang kauna-unahang Pinoy golfer na nagwagi sa isang major tournament.

Ang 2018 Asian Games double gold medalist ang ikalawang teenager na nanalo sa US Women’s Open matapos si South Korean Park Inbee.

Kasalukuyang nakapuwesto si Saso sa No. 22 sa International Golf Fe-deration (IGF) Reallocation Reserve List (Women) para sa 2021 Tokyo Olympics.

Pormal na ihahayag ang mga pangalan ng tig-60 men at women golfers na maglalaro sa quadrennial event sa qualification deadline sa Hunyo 28

Inunahan ni Saso si Japanese Nasa Hataoka, tinalo niya sa katatapos na US Women’s Open, na tumaas sa No. 10 mula sa No. 13 sa kanyang average na 5.41 points.

Umakyat din sa world rankings si American Lexi Thompson (5.90) sa No. 7 kasunod ang No. 8 na si Hyo-Joo Kim (5.61) ng South Korea

Show comments