MANILA, Philippines — Pumirma ng kontrata si Kiefer Ravena sa Shiga Lakestars para sa 2021-2022 season ng Japan B.League.
Inanunsiyo ng Lakestars ang naturang development sa kanilang social media accounts na kinumpirma naman ng mismong Japan B.League sa kanilang sariling post sa social media.
Nakatakdang ipormalisa ng Lakestars ang lahat sa Hunyo 7 alas-2 ng hapon (ala-una sa Maynila) kung saan ipipresenta si Ravena ng mga team officials sa pangunguna nina Toshihiko Kamabuchi (president), Luis Torres (head coach) at Kosuke Yahata (assistant coach).
“We are very pleased to announce that we have signed a new player for the 2021-22 Season with Kiefer Ravena. Ravena will be registered as the Asian Player Quotas,” ayon sa post ng Lakestars.
Ngunit hindi magiging madali ito para kay Ravena dahil kasalukuyan itong may kontrata sa NLEX Road Warriors sa PBA.
Matatandaang pu-mirma si Ravena sa three-year maximum deal noong nakaraang taon kasabay ni Road Warriors team captain Kevin Alas.
Nanindigan pa si PBA commissioner Willie Marcial na hindi ito maaaring mangyari dahil kailangan ni Ravena na irespeto ang commitment nito sa Road Warriors at sa liga.
Maliban sa kontrata sa NLEX, sinabi ni Marcial na mayroon ding Uniform Player Contact (UPC) sa PBA. “We will not allow it,” aniya. “He has an existing contract with NLEX, there’s also a UPC and he has a commitment with the PBA. That’s all I can say.”
Kung matutuloy ito sa Japan B.League, makakasama ni Kiefer sa liga ang nakababata nitong kapatid na si Thirdy na kamakailan lamang ay ni-renew ng Sen-En NeoPhoenix.
Excited na si Thirdy na masilayan si Kiefer sa liga.
“Happy for him na nakamit na niya ‘yung matagal niyang pangarap na maglaro overseas. It shows that we Filipinos can be world-class. We won’t get to represent ourselves but the Philippines (as a whole),” ani Thirdy.