MANILA, Philippines — Habang naghihintay ng opisyal na statement kung kailan muling makakabalik sa aktuwal na ensayo, abala muna si F2 Logistics middle blocker Majoy Baron sa kanyang pansariling workout sa bahay.
Ilang drills ang ibinahagi nito sa kanyang social media account na maaaring sundan ng mga volleyball players sa kani-kanyang mga tahanan.
Itinuro ni Baron ang ilang drills para mapalakas ang digging skills sa kanyang TikTok video.
Kabilang sa mga itinuro ni Baron ay ang basic control drills sa digging gaya ng simpleng wall digs at para may extra challenge, maglagay ng marka na magiging target sa wall digs.
Ipinakita rin ng dating UAAP MVP ang husay nito sa digging gamit ang one hand dig sa right hand at one hand dig sa left hand gayundin ang alternate hand dig.
Maaari ring gawin sa wall-- ang one hand wall dig gamit ang kanang kamay at one hand dig gamit ang kaliwang kamay.
Ang basic volleyball drills na ito ay ilang paraan para mapalakas ang floor defense ng isang volleyball player.
Kaya naman malaking tulong ito para sa mga players gaya ni Baron lalo pa’t hindi pa maaa-ring makapag-ensayo ang mga ito dahil sa umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine sa NCR plus bubble.
Bawal pang mag-ensayo ang mga professional teams na nasa MECQ areas base sa patakaran ng Inter-Agency Task Force.
Sa Hunyo ang target na pagsisimula ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kung saan masisilayan sa unang pagkakataon ang Cargo Movers matapos nitong lisanin ang Philippine Superliga.