Gomez kampeon sa Midwest One Pocket
MANILA, Philippines — Nasungkit ni Roberto Gomez ang kampeonato sa One Pocket Division ng 2021 Midwest Open Billiards Championship na ginanap sa Michael’s Billiards sa Fairfield sa Ohio, USA.
Naitakas ni Gomez ang 3-2 panalo laban kay Louis Demarco ng Amerika upang matamis na angkinin ang kanyang unang titulo sa taong ito.
Napasamakay din ni Gomez ang $4,750 premyo habang nagkasya naman si Demarco sa $2,390 konsolasyon.
“Midwest Open One Pocket Championship winner again? I think I need to stop rotation and start a new career,” biro ni Gomez sa kanyang post sa social media.
Umabante si Gomez sa finals nang gapiin nito ang kababayang si Dennis Orcollo sa semifinals ng winners’ bracket.
Kabilang din sa mga pinataob ni Gomez sina Ryan Williams sa first round, Alan Pham sa second round, John Brumback sa third round, Leo Kincannon sa fourth round at Justin Hall sa quarterfinals.
Sa kabilang banda, nagkasya sa fourth place si Orcollo nang yumuko ito kay Omar Aishaheen sa losers’ column para makuha ang $1,100 konsolasyon.
Agad na tutulak sa London, England si Gomez para sumalang naman sa Matchrool Predator Championship League Pool.
- Latest