86 na lang ang natira sa Rookie Draft
MANILA, Philippines — Pormal nang inilabas ng Philippine Basketball Association (PBA) ang opisyal na listahan ng mga rookie applicants na masisilayan sa PBA Annual Rookie Draft sa Marso 14.
Mula sa dating 97 applicants, tanging 86 lamang ang nakakumpleto sa requirements na kailangan upang mapasama sa official list na pagpipilian.
Kabilang sa mga natanggal sa listahan ang mga Fil-foreign players na sina Jason Brickman, Taylor Statham, Jeremiah Gray, Brandon Ganuelas-Rosser, Tyrus Hill, John Paul Gulfo at Christopher Cancio.
Bigo ang mga nabanggit na players na makapagsumite ng dokumento mula sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) na magpapatunay ng kanilang pagiging Pilipino.
Noong Biyernes ang ibinigay na extension deadline ng PBA para makapagpasa ng requirements subalit hirap na makakuha ang mga ito dahil sa pandemya.
Nagwithdraw naman sa rookie draft ang tatlong Fil-foreign players na sina JJ Espanola, John Paul Zarco at Ezra Ocampo.
Idaraos ang rookie draft via online streaming kung saan nangunguna sa listahan sina Joshua Munzon at Jamie Malonzo sa mainit na tinututukan sa draft.
- Latest