Magkakaroon ng apat hanggang anim na kompetisyong internasyunal ang national team ngayon ayon sa presidente ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na si Tats Suzara. Ang tanong, ano ang plano sa National team?
Iginiit ni Suzara na pipilitin nilang i-ayon ang kalendaryo natin sa kalendaryo ng FIVB kung saan ang mga kompetisyong internasyunal ay nagsisimula sa buwan ng Oktubre hanggang Mayo. Ang mga palarong nasyunal ay tuwing Hunyo hanggang Setyembre naman isinasagawa. Dapat na nakapokus ang national team sa internasyunal na mga kompetisyon pagsapit ng Oktubre at magbibigay daan ang national league upang maisakatuparan ang paghahanda ng national team sa panahong ito.
Sa pagbuo ng national team ay magkakaroon muli ng try-out ngayong taon.
Mayroong 20 manlalarong makakapasok sa national pool. Ibabalik din ang pagkakaroon ng national team players na may edad 14, 16, 18 at 23. Palalakasin muli ang pwersa ng grass roots sapagkat sila rin naman ang aangat sa senior category sa hinaharap. Plano rin na magluklok ng Brazilian coaches upang magkaroon ng bagong kaalaman kaming mga atleta at maging ang mga Filipino coaches tungkol sa volleyball.
Kadalasan kasing programa na sinusunod ng Pilipinas ay laging mula sa Asya, sa mga bansa tulad ng Japan, Thailand at Korea. Nais ng PNVF na maranasan naming mga atleta na matuto ng bago mula sa mga banyagang taga kanluran.
Sa kabilang banda, ang Southeast Asian Games ay gaganapin sa buwan ng Disyembre ngayong taon sa Vietnam. Nawa’y magkaroon na ng kalinawan ang takbo ng muling pagbabalik ng volleyball upang hindi tayo magahol sa oras pagdating ng panahon. Mahirap bumuo ng kalidad na team na ipanglalaban sa international competition kung kulang sa preperasyon o pagsasanay.