Naghahanda na ang Pilipinas Karate Team para sa Olympic Qualifier tournament na nakatakdang ganapin sa buwan ng Mayo ngayong taon sa Paris.
Kasalukuyang naka-quarantine ang buong koponan sa Inspire Calamba Laguna. Sumailalim umano ang team sa istriktong health guidelines ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Commission (POC) para sa bubble.
“Nag-require ng swab test 2-7 days before bubble entry tapos nagswab ulit bago pumasok mismo sa bubble nung Saturday,” ani Sonny Montalvo na isa sa mga coach. Bukod sa swab test na isinagawa bago sila mag-bubble ay may periodic swab tests ding isinasagawa sa loob mismo ng bubble. Dagdag pa ni Montalvo, hindi sila nakakalabas nang sabay-sabay at sama-sama sa loob ng bubble. Mayroong itinalagang lugar kung saan lamang sila maaaring pumunta.
Anim pa lamang sa Pilipinas Karate Team ang kabilang sa bubble training sa kasalukuyan, ito ay sina Jamie Lim, Ivan Agustin, Sharief Afif, Alwyn Baticanat Jayson Macaalay. Inaasahan ng grupo nina Montalvo na aabot ng ika-12 ng Pebrero ang kanilang bubble training bago tuluyang lumipad patungong Portugal at magpatuloy sa Azerbaijan sa buwan ng Marso. Ang mga internasyunal na kompetisyong ito ay mahalaga para sa Pilipinas Karate Team bago sumapit ang Olympic Qualifiers, ngunit dahil sa sitwasyon ng COVID-19 sa ibang bansa ay bahagya raw lumalabo ang mga plano.
Gayunpaman, positibo pa rin ang isip ng 30th SEA Games Individual Kumite silver medalist ng Karate at coach na si Montalvo sa kabila nang mga nangyayaring sirkumstansiya. Pursigido siyang ibigay ang lahat nang makakaya bilang coach para magbahagi ng kontribusyon upang magkaroon tayo ng Olympic Qualifier sa Karate.
Sa kabilang banda, ang puso naman ng atletang katulad ko’y lubos na nagagalak dahil unti-unti nang sumusubok ang mga awtoridad sa ngalan ng isport na gabayan ang muling pagbabalik-aksyon ng national athletes. Nawa’y magkaroon ng magandang pagbabago sa sitwasyon ng COVID upang tuluyan ng makabalik ang lahat ng isport sa Pilipinas ngayong taon.
Ipanalangin natin ang tagumpay ng Pilipinas Karate Team sa nalalapit nilang mga laban. May the force be with them! Mabuhay!