Gazz Angels nagpalakas pa!

Ces Molina
PM/File

Molina, Palma pasok sa lineup

MANILA, Philippines — Desidido ang Petro­Gazz Angels na magpasiklab sa pagbabalik-aksiyon ng Premier Volleyball League (PVL) sa Abril matapos kunin ang dalawang key players ng Petron Blaze Spikers.

Hahataw suot ang Gazz Angels jerseys sina national team member at outside hitter Ces Molina at middle blocker Remy Palma na nagdesisyong lumipat muna sa PVL.

Galing sina Molina at Palma sa Blaze Spikers na six-time champion sa Philippine Superliga.

Ngunit hindi masisilayan sa 2021 season ang Petron na nagsumite ng ‘leave of absence’ dahil sa epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Malalim ang karanasan nina Molina at Palma na malaki ang maitutulong para maipagpatuloy ng Gazz Angels ang matikas na ratsada nito sa mga nakalipas na kumperensiya.

Makakasama nina Molina at Palma ang bagong recruits din na sina middle blocker Ria Meneses, outside hitter Grethcel Soltones, opposite spiker Jerrili Malabanan, playmaker Ivy Perez at libero Kath Arado.

Maganda ang takbo ng Gazz Angels noong 2019.

Nagkampeon ito sa Reinforced Conference kasama sina Cuban Wilma Salas at American Janisa Johnson habang nasiguro ng koponan ang runner-up trophy sa Open Confe­rence.

Show comments