Training sa Thailand posibleng maudlot

Pinoy boxers sa Calamba bubble muna

MANILA, Philippines — Posibleng hindi na matuloy pa ang plano ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na dalhin ang national boxing team sa Thailand para sumailalim sa training camp.

Sinabi ni ABAP executive director Ed Picson na target sana ng asosasyon na ipadala ang Pinoy boxers sa Thailand bago ang qualifying tournament para sa Tokyo Olympics.

Ngunit dahil sa pagtaas ng bilang ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa Thailand, posibleng makansela na lamang ito para masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy boxers.

Pinaghahandaan ng national team ang huling Olympic qualifying tournament na orihinal sanang idaraos noong Mayo 13 hanggang 24 sa Paris, France.

Subalit nakansela ito dahil sa pandemya.

Wala pang eksaktong petsa kung kailan itutuloy ang qualifying event ngunit posible itong ganapin sa Mayo o sa Hunyo bago ang Tokyo Olympics sa Hulyo.

Sa kasalukuyan, t­anging sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno pa lamang ang nakasisiguro ng tiket sa Tokyo Olympics.

Magkakasya muna ang national team sa training camp nito sa bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna kasama ang coaching staff.

Nangunguna sa mga papasok sa bubble sina world champion Nesthy Petecio at Aira Villegas (featherweight), at sina Riza Pasuit at Analene Cellon (lightweight).

Isa ang boxing sa prayoridad na makapasok sa bubble dahil naghahanda ito sa Olympic qualifying tournament.  

Show comments