Harris pasikat sa 76ers vs Hornets
PHILADELPHIA— Isang dumadagundong na slam dunk ang ginawa ni Tobias Harris sa pagtatapos ng laro para ipakita ang kanilang dominasyon.
Kumamada si Harris ng 24 points at humakot si star center Joel Embiid ng 19 points at 14 rebounds para sa 127-112 paggiba ng 76ers sa bisitang Charlotte Hornets.
“When we’re shooting the ball like that, we’re dangerous,” wika ni head coach Doc Rivers sa kanyang Philadelphia team na may 5-1 record ngayon. “We can every night. We have great shooters.”
Kumolekta si Ben Simmons ng triple-double sa tinapos na 15 points, 12 rebounds at 11 assists para sa ika-12 sunod na panalo ng 76ers kontra sa Hornets sapul noong Nobyembre 2, 2016.
Pinamunuan ni Terry Rozier ang Charlotte sa kanyang 35 points.
Sa Houston, humataw si guard John Wall ng 28 points para tulungan ang Rockets sa 102-94 pagdaig sa Sacramento Kings.
Hindi naglaro si James Harden para sa Houston dahil sa kanyang sprained right ankle.
Sa Orlando, umiskor si Darius Bazley ng season-high 19 points habang tumipa si George Hill ng 13 sa kanyang 18 points sa third quarter para akayin ang Oklahoma City Thunder sa 108-99 panalo sa Magic.
Tinapos ng Thunder ang kanilang three-game losing skid at nakabangon buhat sa 33-point loss sa New Orleans Pelicans dalawang gabi na ang nakakaraan.
Sa Indianapolis, isinalpak ni Austin Rivers ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 3:23 minuto ng laro at tumapos na may 15 points para ihatid ang New York Knicks sa 106-102 pagtakas sa Indiana Pacers.
Nagpasabog si Malcolm Brogdon ng career-high 33 points sa panig ng Pacers.
Sa New Orleans, naglista si Brandon Ingram ng 31 points at nag-ambag si Zion Williamson ng 21 markers para banderahan ang 120-116 pananaig ng Pelicans laban sa Toronto Raptors.
Naglista si guard Eric Bledsoe ng 19 points at 10 assists para sa New Orleans.
- Latest