Tolentino naka-iskor kay Aranas
Petisyon ibinasura ng POC election committee
MANILA, Philippines — Nakapuntos si Philippine Olympic Committee (POC) incumbent president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ng cycling kontra sa karibal niyang si Atty. Clint Aranas ng archery.
Ito ay matapos ibasura ng POC election committee ang isinampang disqualification cases ni Aranas laban kay Tolentino at sa mga kagrupo nitong sina Tom Carrasco ng triathlon, Cynthia Carrion-Norton ng gymnastics, Dave Carter ng judo at Dr. Jose Raul Canlas ng surfing dahil sa iba’t ibang isyu.
“All official protests filed against candidates Carrasco, Tolentino, Carrion-Norton, Canlas and Carter are denied in their entirety for lack of merit,” wika ng POC election committee.
Ang komite ay binubuo nina Atty. Teodoro Kalaw, University of the Philippines president Danilo Concepcion at dating International Olympic Committee (IOC) representative Frank Elizalde.
“Accordingly, the Certified List of Candidates for the 2020 POC regular term elections as issued last October 31, 2020 is now deemed final. All other requests for relief not otherwise disposed of above are hereby denied,” dagdag pa ng POC election committee.
Puntirya ni Tolentino, ang kinatawan ng Tagaytay City sa Kongreso, ang kanyang full term bilang POC president laban kay Aranas.
Samantala, kailangang sumailalim sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic tests ang mga personal na boboto sa POC election sa Nobyembre 27.
Dahil wala naman sila sa Pilipinas ay gagamitin nina 2016 Rio silver medalist Hidilyn Diaz, ang female representative ng Athletes Commission sa POC, ang ‘vote via sealed ballot’ kagaya nina Teresita Uy ng canoe-kayak, Mariano Araneta ng football, Benito Lim ng skating at Atty. Paulo Claudio ng sambo.
- Latest