Samu’t saring artikulo at mga balita ang lumabas na nagpapahayag na buo nang matatanggap ng National Athletes ang kanilang monthly allowance.
Dahil sa pandemya, naging kalahati ang natatanggap na allowance ng National Athletes. Ang nakakalungkot ay kalahati na nga ang natatanggap na allowance, delayed pa ang pamimigay nito. Hunyo pa lang ay problema na ang delayed allowance ng mga atleta. Sa awa ng Diyos, hanggang ngayon delayed pa rin.
Ilang buwan na ang nakalipas, nagpahayag na ang Philippine Sports Commission (PSC) na mabibigay ng muli ng buo ang allowance ng national athletes ngunit hindi pa rin ito naisasakatuparan hanggang ngayon. Delayed pa rin ang allowance ng maraming atleta. Buwan-buwan na lang naghihintay na baka sakaling dumating ito sapagkat maraming manlalaro na rito lang umaasa. Ang ilan pa sa mga player ay may pamilyang pinapakain na tanging sa allowance lang din nila umaasa.
Nakakalungkot. Nakakaawa. Nakakainis.
Kailan pa magkakaroon ng sense or urgency para sa mga manlalaro ng bansa? Kailan pa mababago ang ganitong sistema?
Dahil sa pandemya ay huminto ang mundo ng bawat manlalaro dahil ito ang propesyon o trabahong pinagkukuhanan ng pinansyal na suporta sa buhay. Ngunit kung parating delayed ang allowance, paano naman gaganahan ang mga manlalaro na magpatuloy sa ensayo? Paano naman ang kabuhayan nila? Paano ang mga anak na kailangan pakainin at pamilyang kailangan suportahan? Lalong malaki ang hamon ngayon sapagkat ang ilan sa players ay naapektuhan din ng kalamidad.
Sana bago matapos ang taong ito ay magkaroon ng pagbabago. Matanggap ng mga national athletes ang kanilang allowance ng buo.