MANILA, Philippines — Pinahalagahan ni Committee on Sports chairman Sen. Bong Go ang pagkopo ng Pilipinas sa overall championship ng nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Kaya naman sa committee level ng Senado ay inaprubahan ni Go, kasama sina Sen. Imee Marcos at Nancy Binay ang proposed budget ng Philippine Sports Commission para sa 2021.
“We ended 2019 on a high note because of that monumental win. Thanks to you and our national team,” wika ni Go, kilalang sumusuporta sa Philippine sports.
Ang PSC ay kinatawan nina chairman Butch Ramirez at Commissioner Ramon Fernandez kasama si Acting Executive Director Atty. Guillermo Iroy.
Inilahad ng sports agency ang breakdown ng kanilang budget proposal na P207 milyon na inaprubahan na ng Department of Budget Management (DBM).
Hindi kasama rito ang P250 milyon para sa gastos sa preparasyon at partisipasyon ng mga national athletes sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan at sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam at paglahok ng bansa sa Paralympics, Asian Indoor and Martial Arts Games, Asian Youth Games at sa Asian Beach Games.
Nangako si Go na susuportahan ang PSC sa pangangalaga sa national team at ikinatuwa ang paghahanda para sa pagbuo ng National Academy of Sports.
Dumalo rin sa Senate hearing si GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na nagprisinta ng sarili nilang proposed budget.