Top boxers iisa-isahin ni Casimero
MANILA, Philippines — Iisa-isahing pataubin ni World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero ang mga top boxers sa kanyang dibisyon.
Ito ang idineklara ni Casimero ilang araw matapos ang matagumpay na title defense nito kay African fighter Duke Micah kung saan naitala ng Pinoy pug ang impresibong third-round knockout win.
Tapos na ang kabanatang ito kontra kay Micah sa boxing career ni Casimero.
Kaya naman nakasentro na ito sa mas matitinding laban na nais nitong harapin.
Kabilang na rito ang unification bout kay World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) titlist Naoya Inoue.
“I’m strong, man! Inoue! Come on, man! You’re a monster?! You are no monster, you are a Japanese turtle, not a monster, man! Inoue is scared of me, Come on, man, you’re next!,” wika ni Casimero.
Hihintayin pa ni Casimero ang resulta ng laban nina Inoue at Jason Moloney sa Oktubre 31 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Si Moloney ang ipinalit ng Top Rank Promotions para makaharap ang Japanese fighter.
Maliban kay Inoue, target ni Casimero ang ilan pang mahuhusay na boksingerong posibleng makaharap nito.
Isa na rito si Luis Nery.
Galing din si Nery sa matagumpay na laban noong Linggo sa Connecticut kay Aaron Alameda para maagaw ang WBC super bantamweight title.