Casimero nasa Connecticut na!
Para sa title defense vs Micah
MANILA, Philippines — Dumating na sa Connecticut si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero para sa title defense nito kay African fighter Duke Micah sa Setyembre 26 sa Mohegan Sun Casino.
Punung-puno ng kumpiyansa si Casimero nang lumapag ito sa Connecticut kasama ang kanyang team sa pangunguna ni MP Promotions chief Sean Gibbons.
Bakas sa mukha ni Casimero ang kasabikan na muling tumuntong sa ibabaw ng ring upang ipamalas ang kanyang husay laban sa undefeated Ghanian pug.
Dala ni Casimero ang mabagsik na porma na matagal-tagal din nitong hinubog dahil sa ilang beses na pagkakaantala ng laban nito bunsod ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Kitang-kita ang pormadong katawan nito na resulta ng matinding pagsasanay kasama si legendary trainer Memo Heredia.
“I’m ready!” deklara ni Casimero ilang araw bago ang laban.
Gigil na gigil nang sumalang ulit si Casimero matapos maudlot ang laban nito kay World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) titlist Naoya Inoue noong Abril.
Kaya naman inaasahang ibubuhos ni Casimero ang lahat para makuha ang impresibong panalo — ang knockout win laban kay Micah.
- Latest