MANILA, Philippines — Bukod kina Fil-Am sprinter Kristina Knott, William Morrison (shot put), Natalie Uy (pole vault) at Christine Hallasgo (marathon) ay puntirya rin ni Fil-Am hurdler Eric Shaun Cray ang tiket sa 2021 Olympic Games.
Ayon kay coach Samanta Cray, malaki ang tsansa ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist na makuha ang Olympic qualifying standard na 48.90 segundo sa men’s 400 meter hurdles.
“Eric is in the best shape he has ever been since his 48.98 personal best in 2016 and in comparison to practice, performing much faster than he was back then,” wika ni Samantha.
Tuluy-tuloy ang pagsasanay ng 31-anyos na si Cray sa El Paso, Texas bagama’t mayroong coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa United States.
Sa isang outdoor competition noong Pebrero ay nagtala si Cray ng bilis na 47.08 segundo sa Albuquerque, New Mexico para burahin ang dating indoor personal best na 48.28 seconds na itinayo niya noong 2015.
Nakatakdang sumabak ang Fil-Am hurdler sa 2020 Athletics National Championship sa Disyembre.
Hangad ni Cray, isinilang sa Olongapo City bago nanirahan sa Sacramento, California, ang kanyang ikalawang sunod na Olympic Games appearance matapos noong 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil.
Apat na Pinoy bets pa lamang ang nakapagbulsa ng tiket para sa 2021 Olynpics na gagawin sa Tokyo, Japan.
Ito ay sina pole vauler Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.