Alas sinuspinde ng Phoenix
Dahil sa health protocols violation
MANILA, Philippines — Pinatawan ng pamunuan ng Phoenix ng suspensiyon ang head coach nitong si Louie Alas matapos lumabag sa health protocols na ipinatutupad sa ensayo ng Fuel Masters.
Binigyan ng 15 araw na suspensiyon si Alas dahilan upang hindi ito makapunta sa daily workouts ng Fuel Masters sa Upper Deck Gym sa Ortigas.
Nagpalagay si Alas sa team therapist ng medical tape sa kanyang daliri na inirereklamo nitong sumasakit habang tumutulong ito sa workout ng mga players.
Nilinaw ni Alas na nagpalagay ito ng tape nang may suot na face mask at face shield.
Isa pang violation ang pagpasok ni Alas sa court na hindi nakasaad sa kanyang schedule.
Pumasok umano si Alas sa venue habang isinasagawa ang disinfection.
Ipinaliwanag ng veteran mentor na dalawa lamang sila sa loob ng court at may social distancing din.
Tinulungan lamang nito ang personnel na nagdi-disinfect na buksan ang mga bintana.
Dismayado si Alas sa naging desisyon ng management.
Ngunit masaya ito dahil patunay lamang ito na sumusunod sa patakaran ang Phoenix base sa nakasaad sa regulasyong inilatag ng Inter-Agency Task Force sa Joint Administrative Order.
Walang pinipili ang pamunuan ng Phoenix sa mga parurusahan nito sa oras na may lumabag sa health protocols.
Umaasa si Alas na magsilbing magandang aral ito hindi lamang sa kanya maging sa lahat ng players, coaches at officials hindi lamang sa loob ng kampo ng Fuel Masters maging sa ibang teams.
- Latest