MANILA, Philippines — Apat na buwan nang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Cebu City dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
At walang magawa si marathon queen Mary Joy Tabal kundi ang magpakondisyon sa kanyang tahanan sa Barangay Guba, Cebu City sa hangaring makasikwat ng tiket sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
“Nasa bahay lang ako at tuloy pa rin ‘yung daily routine ko,” wika ni Tabal sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour. “I need a big space kung magro-road run ako at mag-track workout ako. Pero lahat ay close pa.”
“I have to really maximize my time running on a threadmill. Nakakatakbo pa rin naman ako dito,” dagdag pa ng 2017 Southeast Asian Games gold medalist.
Umaasa si Tabal, nagdiwang kahapon ng kanyang ika-31 kaarawan, na makakapitas siya ng Olympic berth kagaya nina pole vaulter Ernest John Obiena, Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.
“Sana ‘yung mga qualifying sa marathon ma-extend din next year for me to try to qualify again,” sabi ni Tabal, tumapos bilang ika-124 noong 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Naglatag ang IAAF World Athletics ng dual qualification process -- ang qualifying standard at world ranking system para sa 2021 Tokyo Olympics.
Ang Olympic qualifying mark para sa women’s 42K ay 2:29:30 na malayo sa personal best na 2:43:29 ni Tabal.
Samantala, binuksan ni Tabal, ang four-time Milo National Marathon champion, ang “Queen Mary’s Kitchen” sa kanyang tahanan noong Hunyo 21.
Mismong si Tabal ang nagluluto ng kanyang itinitindang muffins at iba pang desserts.