World title fight target ni Plania

Napaupo si Mike Plania matapos ang kanyang panalo kay Joshua Greer

MANILA, Philippines  — Matapos ang impresibong panalo kay World Boxing Organization ranked No. 1 bantamweight contender Joshua Greer, puntirya ni Pinoy boxing sensation Mike Plania na maikasa ang world title fight sa kanyang susunod na laban.

Mission accomplished si Plania nang makuha nito ang majority decision win sa paboritong si Greer noong Miyerkules sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada.

Ito ang nagbukas sa pintuan ni Plania para sa mas malalaking oportunidad na nakaabang sa kanya.

Subalit hindi pa tapos ang laban.

Nagsisimula pa lamang ang magandang karera ng Pinoy pug.

Kaya naman hindi ito titigil hanggang sa maabot ang tugatog ng tagumpay.

“Hopefully, makakuha ng world title fight kahit anong belt ready akong labanan. Mas paghahandaan ko ‘yung laban na ‘yun kaya ngayon pa lang gusto kong manatiling kundisyon ang katawan ko,” ani Plania.

Bago sumabak sa laban, alam ni Plania na underdog ito laban kay Greer.

Kaya’t walang sinayang na sandali si Plania upang maikasa ang pinakama­lakas na pasabog laban sa American fighter.

Pinag-aralan nito ng husto ang bawat galaw ni Greer para makuha ang tamang tiyempo at game plan.

Hindi naman nabigo si Plania dahil dalawang beses nitong napataob ang American fighter na mala­king puntos para makuha ang majority decision win.

Nagbunga ang mahika ng tinaguriang “Magic Mike” dahilan para mas maging maningning ang kanyang pangalan hindi lamang sa Pilipinas ma­ging sa international boxing world kung saan kaliwa’t kanan ang papuring natanggap nito sa mga international boxing analysts.

“Itong last fight ko with Joshua Greer, last minute ko lang nalaman kaya mabilisan ang preparasyon ko. Kapag may nakuhang world title fight, siguradong mas paghahandaan ko ‘yun,” ani Plania.

Ilan sa mga lumutang na pangalan na posibleng makasagupa ni Plania ay sina World Boxing Organization (WBO) super bantamweight champion Emanuel Navarrete, World Boxing Council (WBC) champion Rey Vargas at World Boxing Association (WBA) at International Bo­xing Federation (IBF) champion Murodjon Akhmadaliev.

Umaasa si Plania na matapos na ang krisis na kinakaharap ng buong mundo dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic upang mas mabilis na maayos ang kanyang susunod na laban.

Sa ngayon, nais muna ni Plania na namnamin ang tagumpay.

Ipinauubaya nito sa kanyang manager na si JC Manangquil ang negosasyon para sa kanyang susunod na laban.

“Kung ano ang maging desisyon ng manager ko, ‘yun ang susundin ko,” ani Plania.

Show comments