Pormadong-pormado dahil sa ECQ
MANILA, Philippines — Kundisyon na kundisyon ang katawan ni eight-division world champion Manny Pacquiao kaya’t hindi ito mahihirapang makuha ang fighting form sakaling magkaroon ito ng biglaang laban.
Ayon kay chief trainer Buboy Fernandez, sinamantala ng reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion ang enhanced community quarantine para magpakundisyon ng husto.
Madalas pang nagsasagawa ng live si Pacquiao sa kanyang social media account kung saan nakikita itong sumasailalim sa magagaan na workouts at ilang training sessions.
Kaya naman naniniwala si Fernandez na madali lang maaabot ni Pacquiao ang 100 porsiyentong porma para sa laban nito.
Sa katunayan, handang-handa na itong sumabak sinuman ang iharap sa kanya gaya nina World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Terence Crawford at World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight king Errol Spence Jr.
“Tuluy-tuloy yung light training niya, at nagpapapawis siya lagi kaya walang problema sa kundisyon niya,” ani Fernandez.
Hindi rin aniya magiging problema ang edad dahil kitang-kita ang bagsik ng kamao ni Pacquiao sa kanyang huling dalawang laban kontra kina Adrien Broner at Keith Thurman noong nakaraang taon.
Nakatakdang magdaos ng ika-42 kaarawan si Pacquiao sa Disyembre.
“Siguro ‘yung determination niya, at nasa puso niya pa rin lumaban. Nagugulat pa tayo na bumabagsak pa ‘yung mga kalaban niya,” ani Fernandez.
Wala pang desisyon ang kampo ni Pacquiao kung sino ang sunod na makakalaban nito.
Hindi pa rin nababanggit kung kailan magreretiro ang Pinoy champion.
Nagbibigay ng payo si Fernandez ngunit nilinaw nitong nasa kamay pa rin ni Pacquiao ang pinal na desisyon kung kailan nito naisin lisanin ang boxing world.
Para kay Fernandez, wala nang dapat pang patunayan si Pacquiao dahil makailang ulit na itong nakapagbigay ng karangalan sa bansa.
“Nasabi ko nga nung birthday niya kahit dalawang fight na lang. Nothing to prove naman. Pero mahirap pilitin ang senator na ‘wag nang lumaban. So, hintayin natin siya magdesisyon,” ani Fernandez.
Maugong ang pangalan ni Crawford sa posibleng makalaban ni Pacquiao.
Sa katunayan, pinaplantsa na umano ni Top Rank Promotions chief Bob Arum ang laban sa Bahrain na inaasahang dudumugin ng mga Overseas Filipino Workers ang laban ni Pacquiao.