Closed-door venue aprub kay Ancajas

MANILA, Philippines — Hindi alintana ni International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight champion Jerwin Ancajas kung sa isang closed-door venue gaganapin ang laban nito kay Mexican Jonathan Rodriguez.

Walang ibang nasa isip si Ancajas kundi ang matuloy ang laban matapos itong makansela dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Orihinal na nakatakda noong Abril 11 ang laban nina Ancajas at Rodriguez sa Las Vegas, Nevada ngunit nagdesisyon ang Nevada Athletic Commission na kanselahin ang lahat ng boxing fights.

“Mas lamang yung idea na excited ulit akong lumaban dahil matagal na rin akong hindi nakakalaban. Kaya nung ibinalita sa amin na may laban na by June, sobrang saya namin,” ani Ancajas.

Hindi pa nakaranas si Ancajas na lumaban sa isang closed-door venue.

Alam naman ni Ancajas na kahit walang manood sa venue, tiyak na tututok ang mga kababayan nito sa kani-kanilang telebisyon o online streaming para magbigay ng suporta.

“Iba pa rin ‘yung may nanonood talaga at naririnig mo ‘yung mga sumisigaw sa venue na nagchi-cheer para sayo. Pero alam ko naman na hindi mawawala ang suporta ng mga kababayan natin,” ani Ancajas.

Balik na sa solidong ensayo si Ancajas kasama ang buong team nito sa Magallanes, Cavite para paghandaan ang kanyang laban.

Nakaporma na ulit ang programa nito upang matiyak na nasa 100 porsiyento ang kanyang kundisyon bago tumulak sa Amerika.

Bantay-sarado na rin ang diyeta ni Ancajas para maiwasang lumampas ito sa tamang timbang.

“Discipline and perseverance even in the midst of uncertainty are what we can expect from a world class athlete like Jerwin. Even his whole team hasn’t stopped making consistent efforts both in his training and nutrition to keep him in tip-top shape,” ani nutritio­nist Jeaneth Aro na bahagi ng Team Ancajas.

Halos araw-araw na ang sparring sessions ni Ancajas.

Muling nagpost si chief trainer Joven Jimenez ng sparring session ni Ancajas kahapon.

Mula sa tatlong rounds, inaasahang itataas ito ni Jimenez sa mga susunod na araw.

Show comments