MANILA, Philippines — Pasok sa Top 10 si reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny Pacquiao sa “Greatest Welterweight Boxers” sa nakalipas na limang dekada sa industriya ng boksing.
Sa inilabas na ulat ng CBS Sports, nasa No. 3 ang Pinoy champion dahil sa kanyang matagumpay na karera sa boksing.
Nagkamit si Pacquiao ng titulo sa walong magkakaibang dibisyon upang maging pinaka-maningning na boksingero sa nakalipas na dalawang dekada.
“The sport’s only eight-division champion could make a case for inclusion on a few of these lists thanks to his steady rise in weight over a legendary 25-year career,” ayon sa CBS Sports.
Ilan sa mga matagumpay na panalo ni Pacquiao ang pananaig nito kina Oscar De La Hoya noong 2008 at Miguel Cotto noong 2009 na mga taong itinuturing na pinaka-malakas ang tinaguriang Pambansang Kamao.
“It turns out the Filipino icon measures up just fine at 147 pounds historically, even if his power seemed to level off just a bit. Welterweight victories over Oscar De La Hoya in 2008 and Miguel Cotto in 2009 saw Pacquiao at his very best,” ayon pa sa CBS Sports.
Mas lalong humanga ang CBS Sports sa lakas ng kamao ni Pacquiao na kaya pang makipagsabayan sa mga mas batang boksingero sa kabila ng kanyang edad na 40-anyos.
Sa katunayan, pinataob ni Pacquiao sina Adrien Broner at Keith Thurman noong nakaraang taon.
“The fact that he would drop and outpoint unbeaten Keith Thurman 10 years later at the age of 40 to reclaim a title just speaks to his overall greatness,” nakasaad pa sa ulat ng CBS Sports.
Ilan pa sa mga tinalo ni Pacquiao sina Josh Clottey, Shane Mosley, Juan Manuel Marquez, Timothy Bradley Jr., Brandon Rios, Jessie Vargas at Lucas Matthysse.
Dahil sa kanyang maningning na karera, inaasahang mapapasama si Pacquiao sa Boxing Hall of Fame sa mga susunod na taon.
Nakuha naman ni Sugar Ray Leonard ang unang puwesto habang nasa No. 2 naman si undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.