De Ocampo tuluyan nang nagretiro
MANILA, Philippines — Bumuhos ang pasasalamat para kay Meralco Bolts ace Ranidel De Ocampo na nagpasyang magretiro matapos ang 15 seasons na paglalaro sa Philippine Basketball Association.
Kaliwa’t kanang papuri ang ibinigay kay De Ocampo ng mga katropa sa PBA gayundin ng mga teammates nito sa Gilas Pilipinas at ilang coaches na humawak sa kaniya.
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe sina Larry Fonacier na nakasama nito sa Talk ’N Text, Gabe Norwood na naging teammate nito sa Gilas Pilipinas, at dating Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na sinariwa pa ang magandang inilaro ni De Ocampo sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Magugunitang umiskor si De Ocampo ng 18 puntos nang bigyan ng Gilas Pilipinas ng magandnag laban ang Argentina na pinamumunuan nina Luis Scola at Andres Nocioni.
Mula sa 15 puntos na pagkakabaon, pinamunuan ni De Ocampo ang matikas na ratsada ng Gilas Pilipinas para ibaba ito sa isang puntos lamang sa huling dalawang minuto ng laro.
Gayunpaman, natalo pa rin ang Pinoy squad sa iskor na 81-85.
“Paalam na sa basketball. Talagang naging buhay ko na ang basketball simula nung fourteen years old old ako. Siguro time na para matapos ‘yung pagiging player. Siguro ibang landas naman ‘yung tatahakin natin,” ani De Ocampo.
Iiwan ni De Ocampo ang mundo ng basketbal bitbit ang ilang maningning na kampeonato at magandang alaala.
Anim na kampeonato ang hawak nito kabilang ang dalawang Finals MVP awards noong 2012-2013 Philippine Cup at 2015 Commissioner’s Cup.
Bahagi ito ng Talk ’N Text na nagkampeon noong 2008-2009 Philippine Cup, 2010-2011, Philippine Cup, 2011 Commissioner’s Cup, 2011-2012 Philippine Cup, 2012-2013 Philippine Cup, at 2015 Commissioner’s Cup.
Sa kanyang PBA career, nakapagtala si De Ocampo ng 7,746 points, 3,844 rebounds, at 1,273 assists.
Nakadalawang pilak si De Ocampo sa FIBA Asia Championship - noong 2013 na ginanap sa Manila at 2015 sa Changsa, China; at isang tanso sa FIBA Asia Cup noong 2014 sa Wuhan, China.
Bahagi rin si De Ocampo ng national team na nakaginto sa 2003 Southeast Asian Games sa Vietnam.
- Latest