MANILA, Philippines — Sadyang hindi matatawaran ang naibibigay na kontribusyon ni veteran small forward Sean Anthony para sa NorthPort.
Kaya naman hinirang si Anthony bilang Defensive Player of the Year ng PBA Press Corps sa kanilang 2019 Awards Night na hinahanapan pa ng petsa matapos ipagpaliban dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Nauna nang naitakda ang event noong Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta Center na isasaere ng Cignal TV.
Naisama ang 34-anyos na si Anthony sa kauna-unahan niyang Mythical First team selection at sa All-Defensive squad ng nakaraang PBA Leo Awards.
Makakasama ni Anthony sa mga nauna nang nakatanggap ng PBA Press Corps Defensive Player of the Year award sina Chris Ross, June Mar Fajardo, Marc Pingris, Chris Jackson, Freddie Abuda, Gabe Norwood at iba pa.
Si Poy Erram ang huling ginawaran ng nasabing parangal noong 2018.
Ang Defensive Player of the Year ang isa sa kabuuang 11 awards na ibibigay sa ika-26 taon ng PBA Press Corps Awards Night.
Ang iba pang tatanggap ng tropeo ay sina Terrence Romeo (Quality Minutes), CJ Perez (Sco-ring champion), June Mar Fajardo (Order of Merit) at ang NorthPort vs. NLEX (Game of the Season).
Kasama naman sa All-Rookie team sina Perez, Robert Bolick, Javee Mocon, Bobby Ray Parks Jr. at Abu Tratter habang ang All Interview team ay kinabibilangan nina Kiefer Ravena, Christian Standhardinger, Beau Belga, Vic Manuel, Arwind Santos at coach Yeng Guiao.
Ang D-League Finals MVP ay igagawad kina Thirdy Ravena (Aspirants Cup) at Hesed Gabo (Foundation Cup).
Papangalanan pa ang tatanggap sa President’s Award, Danny Floro Executive of the Year at Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year.