TOKYO -- Inihayag kahapon ni veteran International Olympic Committee member Dick Pound na ipagpapaliban ang pagdaraos ng 2020 Tokyo Olympic Games dahil sa coronavirus pandemic.
“On the basis of the information the IOC has, postponement has been decided,” sabi ni Pound sa isang phone interview ng USA Today. “The parameters going forward have not been determined, but the games are not going to start on July 24, that much I know.”
Ayon kay Pound, isang Canadian na isa sa mga most influential members ng IOC, ililipat ang Tokyo Olympics sa 2021.
Sa susunod na apat na linggo ay paplantsahin ang mga detalye.
“It will come in stages,” wika ng 78-anyos na si Pound, ang longest-serving IOC member. “We will postpone this and begin to deal with all the ramifications of moving this, which are immense.”
Maski ang IOC o ang Tokyo 2020 organizing committee ay wala pang pormal na pahayag kaugnay sa kanilang final decision na ipagpaliban ang quadrennial games na nakatakda sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
“It is the right of every IOC member to interpret the decision of the IOC executive board which was announced (Sunday),” sabi ni IOC spokesman Mark Adams nang tanungin ukol sa nasabing komento ni Pound.
Sa nasabing announcement ay sinabi ni IOC president Thomas Bach na isang posibilidad ang pagpapaliban sa 2020 Tokyo Games.
Ayon kay Bach, magdedesisyon ang IOC sa susunod na apat na linggo at hindi kasama rito ang tuluyan nang pagkansela sa 2020 Tokyo Olympics.
Hindi sinang-ayunan ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang nasabing opsyon.
Ang 2020 Tokyo Olympics ang magiging isa sa pinakahuling sporting event na apektado ng coronavirus na sinasabing nagmula sa Wuhan, China noong Disyembre.
Ang pagkalat ng coronavirus ang dumiskaril sa mga Olympic qualification procedures at nakaapekto sa mga training regimens ng mga atleta.