Hindi maiwasan na mabahala ang lahat dahil sa lumalaganap na coronavirus o COVID-19 sa buong mundo, kung saan kahit sino pwedeng tamaan. Matanda, bata, lalake, babae, mayaman man o mahirap, sikat o hindi, kilala man o ordinaryong tao.
Dito pa lamang sa Pilipinas, nasa mahigit 200 na ang nagpositibo, at may 17 kaso na ng kamatayan, dahilan para maging alerto ang gobyerno na ipatupad ang community quarantine sa buong Luzon.
Sa larangan ng sports, wala ring exemption, kaya naman agad na aksyon ang isinagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) para mapangalagaan ang kalusugan ng mga national athletes, coaches at mga empleyado nito.
Isang napakagandang hakbang ang isinagawa ng PSC sa pangunguna ni chairman Butch Ramirez, kung saan kahit na sarado ang kanilang mga tanggapan, ang Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Maynila at ang Philisports Complex sa Pasig, ay may mga skelatal workers pa rin silang kumikilos upang tugunan ang pangangailangan ng mga atleta, lalo na ‘yung mga naiwan dito sa Maynila at hindi nakauwi.
Bago pa man magpatupad ng community quarantine si President Rodrigo Duterte, nagpasya na ang pamunuan ng PSC na isara ang tanggapan para sa sanitation, kung saan ang lahat ng mga kuwarto sa gusali ng RMSC at Philsports ay kailangan na linisin.
Kung kaya naman nagpalabas sila ng anunsiyo na walang pasok ang mga empleyado, wala rin munang training at pauwiin ang mga atleta sa kani-kanilang mga bahay pansamantala habang nililinis ang mga pasilidad nila.
Ngunit sa kasamaang palad, hindi lahat ng mga atleta ay nakauwi, dahil naubusan ng tiket ang iba kung kaya wala silang ibang lugar na mapupuntahan kundi ang mga dormitoryo ng RMSC at Philsports.
Ngunit to the rescue naman agad si Chairman Ramirez, kung saan siniguro niya na may mga pagkain na supply ang mga atleta at mga coaches na naiwan sa Maynila, gayundin ang mga allowances at sweldo ng mga ito lalo na ang medical monitoring.
Higit sa lahat, ang kalusugan, hindi lamang ng mga atleta, ngunit maging lahat ng mga tao ang mahalaga sa ganitong panahon.
Sabi nga ni Ramirez, “This is an extraordinary times which call an extraordinary commitment and services from all of us,” na totoo naman.
Sa ngayon ay wala munang laro, o kung anumang malaking pagtitipon sa larangan ng sports, upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.
Hindi rin muna pinapayagan ng PSC na magsagawa ng training ang mga atleta ngunit nasa diskresyon ng mga National Sports Associations (NSAS) kung nais nilang magpatuloy sa ensayo, bagama’t ang payo ng PSC ay mas makabubuting huwag muna.
Sana lamang ay matapos na itong bangungot na ito, upang muli ay makapamuhay na ng normal ang mga tao hindi lamang sa larangan ng sports ngunit pati na rin lahat ng aspeto ng buhay sa buong mundo.