One Pocket crown natumbok ni Bustamante
MANILA, Philippines — Patuloy ang dominasyon ng Pinoy cue masters sa US circuit matapos pagharian ni legendary cue artist Francisco Bustamante ang 2020 Scotty Townsend Memorial One Pocket Championships na ginanap sa West Monroe sa Los Angeles, California.
Matikas na pinatumba ng dating World 9-Ball champion na si Bustamante si Justin Hall ng Amerika sa finals para hablutin ng Pinoy champion ang kanyang unang korona sa taong ito.
Nakamit ni Bustamante ang tumataginting na $10,000 cash prize habang nagkasya lamang sa $6,000 konsolasyon si Hall.
Pumangatlo si dating world champion Dennis Orcollo para sa $3,000 premyo kasunod sa ikaapat si Jeremy Jones na umani naman ng $2,000.
Una nang nagkampeon si Orcollo sa 2020 Scotty Townsend Memorial 10-Ball Championships.
Magandang panalo ito para kay Bustamante na nagkasya lamang sa dalawang third-place finishes - sa 2020 Derby City Classic Bigfoot Challenge at 6th Texas Open 10-Ball Championship na parehong ginanap noong nakaraang buwan.
Dahil sa kanyang napanalunan, umangat na sa ikalimang puwesto si Bustamante sa AZ Billiards Money Ranking tangan ang kabuuang $19,640 na nakolekta nito sa season na ito.
- Latest