Bautista pasok din sa 2nd round

Pumabor kay Bautista ang tatlong judges mula Ukraine (29-28), Colombia (30-27) at Bulgaria (29-28) habang nakuha ng Japanese fighter ang boto ng mga Irish at Moroccan judges na parehong nagbigay ng 29-28 puntos.
STAR/File

MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si Southeast Asian Games bronze medallist Ian Clark Bautista matapos igupo si Hayato Tsutsumi ng Japan via 3-2 split decision win para umusad sa second round ng men’s featherweight sa 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament kahapon sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan.

Pumabor kay Bautista ang tatlong judges mula Ukraine (29-28), Colombia (30-27) at Bulgaria (29-28) habang nakuha ng Japanese fighter ang boto ng mga Irish at Moroccan judges na parehong nagbigay ng 29-28 puntos.

“Nagkapaan muna kami sa umpisa ng laban kaya medyo naunahan ako pero nakabawi naman agad ako sa second and third rounds. Magaling din naman siya,” anang 25-anyos na si Bautista.

Subalit inaasahang mapapasabak ng husto sa se­cond round si Bautista dahil titipanin nito si reigning SEA Games champion Chatchai Butdee ng Thailand na nakakuha ng opening-round bye dahil sa kanyang hawak na No. 3 seed.

Si Butdee ang tumalo kay Bautista sa semifinals noong 2019 SEA Games sa Maynila dahilan para magkasya ang Pinoy pug sa tansong medalya.

Kaya naman inaasa­hang ibubuhos ni Bautista ang lahat upang makabawi sa Thai bet.

Show comments