Union Bell bumandera sa Philracom awardees
MANILA, Philippines — Mula sa matagumpay na 2019 racing season, pinamunuan ng champion horse na Union Bell at may-aring Bell Racing Stable ang mga honorees ng 2020 Philippine Racing Commission (Philracom) Awards noong Linggo sa Chantilly Bar ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Kinoronahan ang undisputed 2YO champion bilang 2019 Stakes Races Horse of the Year ng Philracom matapos magtala ng perpektong anim na panalo noong nakaraang taon.
Ito ang pinakamaraming nailistang panalo ng isang kabayo sa 2019 racing calendar.
Binuksan ng two-year-old colt (sire Union Rags, USA; Tocqueville, ARG) ang ratsada sa tagumpay sa 2YO regular race noong Setyembre 25 bago winalis ang sumunod na limang stakes races assignments, kabilang ang tatlong legs ng Philracom Juvenile Colts at Stakes Races at dalawang legs ng Piltobo Juvenile Championships.
Ang pananalasa ng Union Bell sa nakaraang season ang nagbigay kay Bell Racing Stable of owner Elmer de Leon ng award para sa Stakes Races Horse Owner of the Year.
Tinanggap niya ang tropeo kasama ang anak na si Loel at kapatid na si Joseph mula kina Philracom officials Chairman Andrew A. Sanchez, commissioners Victor Tantoco at Lyndon Guce at executive director Andrew Rovie Buencamino.
Samantala, hinirang si star jockey Jonathan B. Hernandez, iginiya ang Union Bell sa nasabing anim na panalo, bilang Stakes Races Jockey of the Year.
Nakasama sa spotlight ng Union Bell ang Real Gold, tinanghal na Top Earning Horse of the Year sa itinakbong P7.4 milyon mula sa dalawang panalo sa Triple Crown Series ng Philracom.
- Latest